By Atty. Josiah David Quising
“Ano naman ang kasalanan ko…?” ang bungad na tanong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga OFWs sa Hong Kong nitong Marso 9 matapos na naiulat na lumabas na ang warrant of arrest laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC) — pero ano nga ba talaga ang mga kasalanan ni Duterte?
“Crimes against humanity” ang ikinaso laban kay Duterte sa ICC. Ito din ang rekomendasyon ng Quad-Committee ng House of Representatives, pagkatapos ng kanilang imbestigasyon sa kaliwa’t-kanang mga kaso ng extra judicial killings o EJKs sa tinaguriang “drug war.”
Ano ang Incitement at Crimes Against Humanity?
Ayon sa Article 25(3)(b) ng Rome Statute, “a person shall be criminally responsible and liable for punishment for a crime within the jurisdiction of the Court if that person … orders, solicits or induces the commission of such a crime which in fact occurs or is attempted.” Ibig sabihin, hindi kailangang personal na gumawa ng isang krimen upang managot sa ilalim ng batas—sapat na ang pagpapahayag ng mga salita na humahantong sa karahasan.
Sa International Military Tribunal na nilikha matapos ang World War II, hinatulan ng kasalanang Crimes Against Humanity si Julius Streicher, isang propagandista ng Nazi Germany. Ayon sa hukuman, ang kanyang mga pahayag laban sa mga Hudyo—kahit hindi siya mismo ang pumatay—ay nagdulot ng malawakang karahasan. Ganito rin ang naging batayan sa mga kaso sa International Criminal Tribunal for Rwanda (ICTR) at International Criminal Tribunal for the Former Yugoslavia (ICTY), kung saan hinatulan ang mga opisyal na nanghikayat ng genocide at iba pang krimen sa pamamagitan ng kanilang mga talumpati.
Mula pa noong 2016, paulit-ulit na nanghikayat si Duterte sa pagpatay ng mga pinaghihinalaang kriminal. Ilan sa kanyang mga pahayag ay:
- “Kung may kilala kayong adik, patayin ninyo na lang.” (Hunyo 2016)
- “Kung walang baril, bigyan mo ng baril. (Here’s a loaded gun. Fight because the mayor said let’s fight.)” (Disyembre 2016)
- “Gawin ninyo ang inyong tungkulin, kahit pumatay kayo ng isang libo, poprotektahan ko kayo.” (Hulyo 2016)
- “Patayin ang mga obispo dahil wala namang silbi ang mga iyan.” (Disyembre 2018)
- “Pag may lumaban, barilin ninyo. (Shoot-to-kill order laban sa quarantine violators noong 2020)
Madalas na idinadahilan ni Duterte na biro lamang ang kanyang mga pahayag na humihimok sa pagpatay ng mga pinaghihinalaang kriminal at gumagamit ng droga. Subalit, ang “incitement” o pagsulsol sa paggawa ng krimen, kahit na tawaging “biro,” ang ganitong mga pahayag ay hindi basta lamang “pananaw” o “opinyon.”
Sa ilalim ng pandaigdigang batas, ang mga ito ay maaaring ituring bilang pagsulsol sa malawakang pagpatay at paglabag sa karapatang pantao.
Epekto ng mga Pahayag ni Duterte: Salita na Naging Bala
Ayon sa ulat ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (UNOHCHR) noong 2020, ang marahas na pananalita ng gobyerno, lalo na ni Duterte, ay nagdulot ng mas marahas na pagpapatupad ng batas.
Dagdag pa rito, sa desisyon ng ICC Office of the Prosecutor, malinaw din na ang ganitong mga pahayag ay nagbigay ng pampatibay at suporta sa mga kilos ng mga pwersa ng estado kagaya ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa isang tugon ng ICC Prosecutor sa Philippine Government’s Appeal Brief noong Abril 2023, sinabi nito:
“Nothing about these crimes, committed in large part by law enforcement personnel entrusted with protecting citizens from violence, suggests that the potential cases before the Court are of marginal gravity. To the contrary, they are extremely serious, and appear to have been at the very least encouraged and condoned by high-level government officials, up to and including the former President.”
Ibig sabihin, kinikilala ng ICC na ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring nagbigay ng pahintulot o suporta sa sistematikong patayan na naganap sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Dagdag pa rito, sa isang pahayag ng ICC noong 2022, hindi sapat ang imbestigasyon PH govt. dahil hindi nito tinututukan ang pananagutan ng mga matataas na opisyal na maaaring may kinalaman sa mga pagpatay. Dahil dito, itinuloy ng ICC ang imbestigasyon sa Duterte administration.
Konklusyon: May Pananagutan ang Salita
Sa batas pang-internasyonal, ang mga lider na nag-uudyok ng karahasan ay maaaring panagutin sa kanilang mga salita. Hindi kinakailangang sila mismo ang pumatay upang maituring na may kasalanan. Sapat na ang kanilang malisyosong pahayag na nagdulot ng tunay na mga pagpatay at pang-aabuso upang sila ay litisin sa ilalim ng Rome Statute. Kung paano hinatulan si Julius Streicher sa kanilang mga pahayag, ganoon din dapat suriin ang pananagutan ni Duterte sa ilalim ng pandaigdigang batas.
Sa kasaysayan, ang mga salita ay hindi basta-bastang salita lamang. Sa ilalim ng isang awtoritaryang rehimen, ang mga salita ay nagiging utos. At kung ang mga utos na ito ay humahantong sa malawakang pagpatay, ang batas internasyonal ay malinaw: may pananagutan, may kasalanan ang nag-utos, hindi lang ang mga sumunod./PT