“Bakit sa ICC? Bakit hindi dito sa Pilipinas?”: Paglilinaw sa Batas Internasyonal Tungkol sa Kaso ni Duterte

“Bakit sa ICC? Bakit hindi dito sa Pilipinas?”: Paglilinaw sa Batas Internasyonal Tungkol sa Kaso ni Duterte

By: Atty. Josiah David Quising

“Bakit sa ICC? Bakit hindi dito sa Pilipinas?” – madalas itong tanong ngayon sa social media. Talakayin natin ang mga opinyon ng mga eksperto.

Si Rodrigo Duterte ay inakusahan ng crimes against humanity, kaugnay ng mga extrajudicial killings o EJKs mula ng siya ay alkalde ng Davao City (2011-2016) hanggang sa mga extrajudicial killing sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa droga bilang presidente (2016–2019). Ayon sa ICC Prosecutor, ito ay pumapasok sa tinatawag na crimes against humanity, o ang pagpatay o pagpapatay sa pamamagitan ng isang malawakan o sistematikong pag-atake na nakatuon laban sa anumang populasyong sibilyan.

Kahit na nag-withdraw o umatras na ang Pilipinas sa ICC noong 2019, ayon sa Korte Suprema sa kasong Pangilinan et al. v. Cayetano et al. (G.R. No. 238875), may obligasyon pa din ang Pilipinas na ang pag-atras mula sa Rome Statute ay hindi nag pawalang-bisa ang mga obligasyon nito noong ito pa ay state party o kasapi pa nito. Ayon sa Article 127(2) ng Rome State:

A State shall not be discharged, by reason of its withdrawal, from the obligations arising from this Statute while it was as a Party to the Statute, including any financial obligations which may have accrued. Its withdrawal shall not affect any cooperation with the Court in connection with criminal investigations and proceedings in relation to which the withdrawing State had a duty to cooperate and which were commenced prior to the date on which the withdrawal became effective, nor shall it prejudice in any way the continued consideration of any matter which was already under consideration by the Court prior to the date on which the withdrawal became effective.

Kaya’t maaari pa ring imbestigahan at litisin ng ICC ang mga reklamo laban sa gobyerno o mga indibidwal para sa mga krimen sa ilalim ng Rome Statute na ginawa bago maging epektibo ang pag-atras ng Pilipinas mula sa ICC noong Marso 17, 2019.

Pero hindi ba ito lumalabag sa soberanya ng Pilipinas?

Ayon kay Dean Mel Sta. Maria, dating dekano ng Far Eastern University – Institute of Law, at kilalang abogado sa larangan ng international law o batas pandaigdig, hindi ito paglabag ng soberanya ng Pilipinas dahil mismong batas natin ang pumapayag dito. Ayon sa Section 17 ng R.A. 9851, Sa interes ng hustisya, maaaring hindi na ipagpatuloy ng mga kinauukulang awtoridad sa Pilipinas ang imbestigasyon o paglilitis ng isang krimen na may kaparusahan sa ilalim ng batas na ito kung mayroon nang ibang hukuman o pandaigdigang tribunal na nagsasagawa ng imbestigasyon o paglilitis sa naturang krimen. Sa halip, maaaring isuko o ipa-extradite ng mga awtoridad ang pinaghihinalaan o inaakusahan sa Pilipinas sa naaangkop na pandaigdigang hukuman

Ayon naman kay dating ICC Judge Raul Pangalangan, dahil wala namang nakabinbin na kaso laban kay dating Pangulong Duterte sa Pilipinas kaugnay ng mga EJKs sa kanyang Drug War, hindi maaaring mag-apply ang principle of complementarity. Sa prinsipyong ito, hindi agad-agad nakikialam ang ICC sa isang kaso kung ang isang bansa ay may kakayahan at tunay na gumagawa ng hakbang upang imbestigahan o litisin ang mga nasabing krimen. Pero dahil walang isinampang kaso kay Duterte kaugnay ng mga EJKs, malinaw na maaari nang pumasok sa eksena ang ICC.

Liban pa sa mga legalidad at teknikal na rason sa ilalim ng batas ng ICC (Rome Statute), dapat natin tandaan na ang Pilipinas ay parte ng “international community” at meron tayong mga obligasyong pandaigdig na respetuhin ang karapatang-pantao at pangalagahan ang mga tao bilang mga tao.

Ang pagpapanagot kay Duterte sa pagpapapatay ng higit 20,000 na Pilipino kasama ng obligasyong ito dahil ito ay sakop na ng crimes against humanity. Ang linabag ni Duterte dito ay hindi lang batas ng Pilipinas, kundi ang obligasyong pandaigdig na respetuhin ang karapatang-pantao at panatilihin ang kahalagahan ng buhay ng tao. Kaya nga ang krimen niya ay hindi lamang krimen laban sa mga Pilipino, kundi laban sa buong sangkatauhan. Sakop ito ng konsepto ng jus cogens, isang prinsipyo sa pandaigdigang batas kung saan ang mga batas na sakop nito ay obligadong sundin ng lahat ng mga bansa, kahit na walang kasunduan o kahit hindi sila sumang-ayon dito, tulad ng pagbabawal sa pangaalipin (slavery), labis na pagpapahirap (torture), pagpapapatay ng lahi (genocide) o pagatake sa isang grupo ng mga sibilyan (crimes against humanity), at iba pa. Mismong Saligang Batas natin ay kinikilala ito. Ayon sa Section 2, Article II – “The Philippines … adopts the generally accepted principles of international law as part of the law of the land…”. Kasama dito ang konsepto ng jus cogens, at ito ay kinilala ng Korte Suprema sa Bayan Muna v. Romulo, et al. (G.R. No. 159618, 2011). 

Sa kasaysayan, maraming personalidad sa politika at militar ang naakusahan at pinanagot sa harap ng mga pandaigdigang tribunal para sa malawakang paglabag sa karapatang pantao. Tulad ng holocaust sa Germany at pananakop ng Japan noong Pangalawang Pandaigdigang Gyera, genocide sa Rwanda, war crimes sa Yugoslavia, at malawakang pagpaslang sa Cambodia. Lahat ng ito ay linitis hindi sa mga lokal na korte kundi iba’t-ibang mga pandaigdigang tribunal dahil sa bigat ng mga ginawa ng mga salarin.

Hindi soberanya kundi hustisya ang dapat sentro ng usapan. Ang tunay na pambansang dangal ay hindi sa pagtatakip sa may sala, kundi sa pananagutan, katotohanan, at katarungan para sa mga biktima./PT

author

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *