SPOKEN WORDS | Ako at ang Tatay ko

sulat ni Katya, isang senior high school student

Kagabi, nagkasagutan kami ng tatay ko
Nagpalitan ng mga titik
Nagbatuhan ng mga titig
Dalawa kami sa magkatapat na gilid

At ang magaspang na mga himig
Ang naging ritmo
Sa malupit naming liriko
Isa iyong awiting mapaghimagsik
Sa pagitan ng dalawang tao
Na nakatayo sa magkaibang lebel ng estado

Ako at ang tatay ko
Isang aktibista at isang kawani ng gobyerno
Isang kadiwa ng mga magsasaka
At isang tagapamahala ng sektor ng agrikultura

Tungkol sa kampuhan ng mga magsasaka
Na ang sigaw ay binhi, bigas, lupa at suporta
Hindi makinarya
Hindi inobasyon at teknolohiya
Habang ang mismong sektor ay hindi makaahon
Hindi makabangon
Mula sa kumunoy ng isang makabagong
Pang-aalipin, pang-aalila
At ang gobyerno ay lulong sa paniniwala
Na sila ang may nagawa.

Wala.
Walang makain, walang matanim
Habang ang mga nakaluklok ay nagpapakasasa
Sa palay na inani
Nilang tunay na bayani
At ang hirap ay isinisisi
Sa mismong mga biktima ng mga pangyayari
Poprotesta at tatawaging bayaran
Salot sa lipunan
Gayong sila naman
Ang walang katuparan
Sa kanilang sinumpaan

At habang ako ang rason sa aking ama
Para maging kulubot ang kanyang noo’t mukha
Siya at ang mga tulad niya
Ang rason ko para lumaban pa
Para umaklas
At patuloy na makibaka./www.panaytoday.net

author

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *